BAGONG ELEMENTARYA SA SAN ROQUE, DARAGA, NAKATALAANG ITAYO SA 10,000 SQM NA LOTE PARA SA KALIGTASAN NG MGA MAG-AARAL
BAGONG ELEMENTARYA SA SAN ROQUE, DARAGA, NAKATALAANG ITAYO SA 10,000 SQM NA LOTE PARA SA KALIGTASAN NG MGA MAG-AARAL
ni: Nel Adtoon
DARAGA, ALBAY — Isang malaking hakbang para sa sektor ng edukasyon at kaligtasan ng mga kabataan ang sisimulan sa bayan ng Daraga matapos kumpirmahin ang pagtatayo ng isang bagong gusali ng paaralan sa Brgy. San Roque.
Ang nasabing proyekto ay itatayo sa isang malawak na lupain na may sukat na 10,000 square meters. Inaasahang siserbisyo ito sa mga mag-aaral sa elementarya hindi lamang mula sa San Roque, kundi pati na rin sa mga karatig-barangay nito.
Sa loob ng mahabang panahon, ang mga bata mula sa San Roque ay napipilitang mag-aral sa Daraga North Central School. Dahil sa layo ng nasabing paaralan mula sa kanilang tirahan, araw-araw na nilalakad at tinitiis ng mga estudyante ang init at ulan maliban dito ay ang panganib na dulot ng pagtawid sa mga pangunahing kalsada.
Ayon kay Daraga Mayor, ang pangunahing mithiin ng proyektong ito ay ang mabawasan ang panganib na kinakaharap ng mga estudyante sa tuwing sila ay papasok sa paaralan.
"Ang ating primary objective ay tiyakin ang seguridad ng ating mga kabataan. Sa pamamagitan ng paglalapit ng paaralan sa kanilang mismong komunidad, maiiwasan na natin ang banta sa kanilang kaligtasan sa kalsada dahil hindi na nila kailangang maglakbay pa nang malayo," pahayag ng alkalde.
Bukod sa aspeto ng seguridad, inaasahan ding makatutulong ang bagong paaralan na mabawasan ang gastos ng mga magulang sa pamasahe araw-araw, mas maraming oras ang mailalaan ng mga bata sa pag-aaral at pahinga sa halip na sa pagbibiyahe, at dahil sa laki ng lupain, may sapat na espasyo para sa mga silid-aralan, palaruan, at iba pang pasilidad na kailangan para sa holistic development ng mga bata.
Ang proyektong ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng lokal na pamahalaan ng Daraga upang itaas ang antas ng edukasyon at siguruhin na walang batang DaragueƱo ang mapag-iiwanan dahil lamang sa layo ng paaralan.
###
Comments
Post a Comment