Governor Rosal, Target na Gawing ‘Logistics Hub’ ang Pantao Port sa Libon
Governor Rosal, Target na Gawing ‘Logistics Hub’ ang Pantao Port sa Libon
LIBON, ALBAY – Binigyang-diin ni Albay Governor Noel Rosal ang kanyang bisyon na i-upgrade at palawakin ang Pantao Port sa bayan ng Libon upang maging isang pangunahing logistics hub at sentro ng kalakalan sa west coast ng Albay.
Sa kanyang naging pahayag, inilatag ng Gobernador ang mga planong pagsasaayos sa pasilidad upang mas lalo itong mapakinabangan ng mga negosyante at mamamayan. Ayon kay Rosal, kailangang lagyan ng mga bodega at depot ang pantalan para sa expansion nito.
"Ang pighihiling ta, gusto ta padakulaon ini. May i-reprap kita dyan para sa expansion ta sa mga bodega. Kasi later on, mahalaga digdi su depot," ani Rosal.
Bukod sa expansion ng mga gusali, tinukoy din ng Gobernador ang kakulangan ng mahahalagang pasilidad na tinawag niyang "missing links" sa operasyon ng port.
Kabilang dito ang pagtatayo ng ice plant at cold storage na magsisilbing imbakan hindi lamang ng mga huling isda, kundi pati na rin ng mga produktong gulay.
Paliwanag ni Rosal, layunin nito na mabawasan ang gastos ng mga lokal na prodyuser dahil ang gobyerno ang magpapatakbo ng nasabing mga pasilidad.
Sa gitna ng mga usapin na dati ay tinatawag lamang na "Ampaw Port" ang naturang pantalan dahil sa hina ng istraktura, kumpiyansa ang Gobernador na mababago na ang pananaw na ito. Patunay aniya ang katatagan ng kasalukuyang istraktura na nakatagal sa mga nagdaang malalakas na bagyo.
Plano rin ang pagpapahaba o extension ng pantalan upang makasabay sa pagdami ng mga sasakyang pandagat sa hinaharap.
"Paghiling ko, i-extend ta lang ini para mas dakulon na barko... there will come a time na in the future, pwedeng limang barko at the same time ang magdaong digdi," dagdag pa ng opisyal.
Sa kasalukuyan, aktibo nang ginagamit ang Pantao Port ng mga mangingisda, ngunit inaasahan na sa mga susunod na hakbang ng pamahalaang panlalawigan, ito ay tuluyan nang magiging isang masiglang trading hub na magkokonekta sa Albay sa iba pang bahagi ng bansa.
| 𝗡𝗲𝗹 𝗔𝗱𝘁𝗼𝗼𝗻, Simpleng Duon, Bicol Net TV
simplengduon@bicolnet.com
###
Comments
Post a Comment