Lagman, Nagsalita Ukol sa Anti-Political Dynasty Bill at mga Isyu ng Impeachment

Lagman, Nagsalita Ukol sa Anti-Political Dynasty Bill at mga Isyu ng Impeachment
ALBAY, PILIPINAS — Sa isang eksklusibong panayam ng Bicol Net TV, hayagang ipinahayag ni Albay 1st District Congresswoman Krisel Lagman ang kanyang mga saloobin at kritisismo hinggil sa kasalukuyang takbo ng Anti-Political Dynasty Bill sa Kongreso at ang mga usaping impeachment na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lagman, bagaman may pag-unlad ang bersyon ng Anti-Political Dynasty Bill na inilalabas sa ngayon, hindi ito ang bersyong inaasahan at ninanais ng maraming nagsusulong ng tunay na reporma. 

Binigyang-diin niya na ang kasalukuyang committee report ay tila nagpapatibay o nag-iinstitusyonalisa lamang ng kasalukuyang kalagayan.

"Imbis na ipagbawal ang political dynasties, parang ini-institusyonalisa pa natin ang pagkakaroon nito," saad ni Lagman.

Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng bersyong ito, maaari pa ring magsilbi ang magkakapamilya, magkakapatid o magkakamag-anak, basta’t sila ay nasa magkaibang distrito o Local Government Unit (LGU). 

Halimbawa, maaaring maging Congressman ang magkakapatid sa magkakaibang distrito, o kaya naman ay maging Governor at Vice Governor ang magkamag-anak sa magkaibang sakop na lugar.

Binanggit din ni Lagman na mas pabor siya sa mga bersyong isinulong nina dating Senadora Leila de Lima at Akbayan Partylist Representative Percy CerdeΓ±a, kung saan mas mahigpit ang limitasyon hanggang sa fourth degree of consanguinity and affinity.

Tinalakay din sa panayam ang katayuan ng mga impeachment complaints at kinumpirma na may mga nauna nang reklamo na hindi naaksyunan o tuluyan nang iniurong. 

Gayunpaman, binanggit niya ang ikatlong reklamo na isinulong ni De Lima at ng ilang sektor ng simbahan na kasalukuyan pa ring pinag-aaralan sa Committee on Justice.

Sa kabila ng mga hamon sa pulitika, nananatiling aktibo si Congresswoman Lagman sa pagbabantay sa mga batas na direktang makakaapekto sa istruktura ng pamamahala sa bansa, lalo na sa pagtiyak na hindi magiging hadlang ang pamilya sa serbisyo publiko.

| 𝗑𝗲𝗹 π—”π—±π˜π—Όπ—Όπ—», Simpleng Duon, Bicol Net TV
simplengduon@bicolnet.com

Comments

Popular posts from this blog

Tragedy Strikes: 11 Dead in UV Express Accident on Nabua-Legazpi Route

Heartbreaking Final Vows: Love Ends in Tragedy in Camalig Crash

SI SALCEDA, SI CO, SI BONGALON ASIN AN KONTROBERSIYA SA 2024 BUDGET