P20-M Pondo ng Magayon Festival, Inilaan sa Tulong para sa mga Albayano

P20-M Pondo ng Magayon Festival, Inilaan sa Tulong para sa mga Albayano
LEGAZPI CITY (Marso 18, 2026) — Nagdesisyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Albay na i-reallocate o ilipat ang mahigit Php 20 milyon na pondo para sana sa Magayon Festival patungo sa mga prayoridad na programa na direktang makatutulong sa mga Albayano sa gitna ng mga hamong pang-ekonomiya at kapaligiran.

Ayon kay Albay Governor Noel Ebriega Rosal, ang kanselasyon ng taunang kapistahan ay isang "strategic move" upang protektahan ang lalawigan mula sa posibleng epekto ng mga krisis sa loob at labas ng bansa.

Binigyang-diin ng gobernador na ang hakbang na ito ay paghahanda sa inaasahang epekto sa ekonomiya ng patuloy na tensyon sa Middle East. Inaasahang maaaring makaapekto ito sa presyo ng petrolyo, supply chain, at pangkalahatang katatagan ng merkado.

"Kailangang unahin ang mga pangunahing serbisyo at agarang interbensyon sa panahon ng kawalan ng katiyakan," pahayag ni Rosal.

Bukod sa isyung pang-ekonomiya, isa rin sa pangunahing dahilan ng realignment ng pondo ay ang patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon. Malaki ang epekto nito sa mga komunidad, kabuhayan, at likas na yaman ng probinsya, kaya mas pinili ng lokal na pamahalaan na gamitin ang pondo para sa direktang ayuda.

Gagamitin ang mahigit Php 20 milyong pinalayang pondo para sa komprehensibong recovery programs na naglalayong muling pasiglahin ang mga sektor na pinadapa ng krisis, kaakibat ang pamamahagi ng tulong pinansyal at materyal na assistance para sa mga apektadong residente. Bukod sa agarang ayuda, pagtutuunan din ng pansin ang resilience-building o ang pagpapatatag sa kakayahan ng mga komunidad na rumesponde at makabangon mula sa mga darating na sakuna, upang matiyak ang pangmatagalang kaligtasan at kabuhayan ng mga Albayano.

Ang desisyong ito ay bunga ng kolektibong pag-uusap sa pagitan ng iba't ibang departamento ng lalawigan at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. Ayon sa gobernador, ito ang mas "prudent" o masinop na paraan ng paggamit ng kaban ng bayan sa kasalukuyang sitwasyon.

| 𝗑𝗲𝗹 π—”π—±π˜π—Όπ—Όπ—», Simpleng Duon, Bicol Net TV
simplengduon@bicolnet.com

###

Comments