Selebrasyon ng Pinangat Festival sa Camalig, Kanselado na rin

Selebrasyon ng Pinangat Festival sa Camalig, Kanselado na rin
CAMALIG, ALBAY — Opisyal na inanunsyo ng Pamahalaang Bayan ng Camalig ang pagpapaliban ng inaabangang Pinangat Festival ngayong taon. Ang desisyong ito ay resulta ng masusing pag-aaral at rekomendasyon mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Camalig Tourism and Cultural Heritage Council (CTCHC).

Sa kasalukuyan, ang bayan ng Camalig ay nasa ilalim ng State of Calamity dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, na nananatili sa Alert Level 3. Ayon sa alkalde, hindi ligtas na magdaos ng malalaking okasyon habang may banta pa ng panganib. 

Binigyang-diin ni Alkalde Caloy Baldo na sakaling itaas ng PHIVOLCS ang Alert Level 4, mahigit 10,000 indibidwal ang direktang maaapektaran, na nangangailangan ng mas malawak na interbensyon mula sa lokal na pamahalaan.

Bukod sa seguridad, binigyang-halaga rin ng pamahalaan ang sensibilidad sa kalagayan ng mga residente. "Hindi nararapat na magdiwang tayo habang ang ating mga kababayan sa evacuation centers ay nakakaranas ng iba't ibang hirap dahil sa paglikas," anang alkalde.

Bukod sa banta ng bulkan, isinaalang-alang din ng lokal na pamahalaan ang Memorandum Circular No. 114, s. 2026 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Ang naturang kautusan ay nag-uutos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na magpatupad ng mahigpit na protokol sa pagtitipid ng enerhiya.

Ito ay bunsod ng tensyong geopolitikal sa Middle East na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng gasolina at nakaapekto sa ekonomiya ng bansa. Sa pamamagitan ng pagpapaliban sa festival, mas makakapokus ang munisipyo sa pagbibigay ng episyenteng serbisyo sa mga mamamayan, lalo na sa mga direktang apektado ng kalamidad.

Upang gawing opisyal ang hakbang na ito, maglalabas ang alkalde ng isang Executive Order na magsisilbing malinaw na legal na basehan sa pagpapatigil ng selebrasyon. Bagama't kinikilala ang kahalagahan ng Pinangat Festival sa kultura at identidad ng mga Camalignon, nananatiling prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan at kapakanan ng bawat isa.

| 𝗑𝗲𝗹 π—”π—±π˜π—Όπ—Όπ—», Simpleng Duon, Bicol Net TV
simplengduon@bicolnet.com

###

Comments

Popular posts from this blog

Tragedy Strikes: 11 Dead in UV Express Accident on Nabua-Legazpi Route

Heartbreaking Final Vows: Love Ends in Tragedy in Camalig Crash

SI SALCEDA, SI CO, SI BONGALON ASIN AN KONTROBERSIYA SA 2024 BUDGET