P15,000 Dagdag-Sahod, Sigaw ng mga Guro sa Mendiola
P15,000 Dagdag-Sahod, Sigaw ng mga Guro sa Mendiola
MANILA — Nagtipon-tipon ang mga guro mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa Mendiola ngayong Abril 24, 2026, upang muling kalampagin ang pamahalaan para sa hinihinging P15,000 across-the-board wage increase.
Bitbit ang mga plakard at panawagan para sa nakabubuhay na sahod, binigyang-diin ng mga pampublikong guro na panahon na upang bigyang-halaga ang kanilang sektor sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon sa Teachers’ Dignity Coalition (TDC), hindi imposible ang hinihinging dagdag-sahod kung magkakaroon lamang ng maayos na prayoridad sa paggamit ng kaban ng bayan. Iginiit ng grupo na ang kanilang hiling ay "attainable" o kayang maibigay sa pamamagitan ng "realignment" o muling paglilipat ng pondo mula sa ibang proyekto ng gobyerno.
"Ang hinihinging halaga ay hamak na mas mababa kumpara sa inilaang pondo para sa mga flood control projects noong 2025," pahayag ni G. Benjo Basas ang national chairperson ng TDC.
Nananawagan ang sektor para sa dagdag na P15,000 sa sahod ng lahat ng guro anuman ang ranggo, rebisyon sa salary grade ng mga entry-level, at mas mataas na budget para sa edukasyon kumpara sa mga imprastrukturang madalas ay hindi natatapos o nagagamit nang tama.
Nananatili ang TDC at ang mga dumalong guro sa kanilang paninindigan na ang pamumuhunan sa mga guro ay direktang pamumuhunan sa kinabukasan ng mga kabataang Pilipino.
Hanggang sa kasalukuyan, hinihintay pa ang opisyal na tugon ng Department of Education (DepEd) at ng Malacañang hinggil sa nagaganap na kilos-protesta.
📸Courtesy: Benjo Basas
| 𝗡𝗲𝗹 𝗔𝗱𝘁𝗼𝗼𝗻, Simpleng Duon, Bicol Net TV
simplengduon@bicolnet.com
#SimplengDuon
#SimplengAksyon
#BicolNetTV
#BicolNews
#BaretangBicol
Comments
Post a Comment